Monday, August 06, 2012



Sumahukom
(o kung paano sumugal si elsa)
ni Lucio Lee
3:09pm FSI

Tumigil nanaman ang oras.
Naririnig ko ulit sa kabilang ibayo ang tibok ng aking puso.
Nais ko mang pag-igtingin muli ang bawat titig.
Isakatuparan ang nabitawang pangako.
Ibalik ang nalimas na pagtingin.
Ngunit sadyang mailap ang ritmo.
Hindi na kami magkatugma.

Sinikap kong ibalik ang dati,
Pero ramdam ko ang nanlilimahid na lamig.
Wala na ang kapusukan.
Umuugong.
Umuugong na paurong.
Ang sa kanya ay tumitibok na sa iba.
Ang sa akin ay minumulto pa rin niya.

Araw.
Ang mga ngiti niyang walang kasingtamis.
Kasinliwanag.
Tulad ng bukang-liwayway na gumigising sa bawat natutulog na diwa.

Gabi.
Pumapawi sa pagod na dulot ng umaga.
Yakap.
Mga bisig na yumayapos sa mga uhaw na damdamin.

Ako.
Si Elsa, hinahabol ang tinalikurang alaala.
Siya.
Tumatakbo patungo sa panahong di kayang abutin ng aking mga paa.

No comments:

Post a Comment